Posted at 05:13 AM
Nilukob na ng lamig
ang kapeng mainit.
Inamag na ang tuyong
sa dingding ay nakasabit.
Umaga na naman
ang ngayo’y sumapit
Ngunit nabubuhay pa rin
sa kahapong mapait.
Araw ay totoong
limot ko na.
Napako na ang kalendaryo
sa unang pahina.
Mga letra’y di na
gaanong mabasa
Heto’t humihinga pa rin
sa patay na pag-asa.
Kumupas na
ang kulay ng kurtina,
Umurong na
ang tela ng kobre kama,
Nangigitata na
ang sahig na luma,
Ngunit patuloy pa rin
ang pagindak sa maling musika.
Isang peraso ng papel
etong matagal ng tangan.
Panulat ay
matagal ng nakaumang.
Ngunit ni isang kataga
ay wala pang naisulat
Paano ko nga ba wawakasan
ang tulang sa simula ay salat?
====
Comment





